Saturday, December 24, 2011

Ang Diyos ng Liwanag


ika-24 ng Disyembre 2011 Misa de Gallo
2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16; Psalm 89; Luke 1:67-79
 
Note: This article appears in the Filipino Sambuhay today. Sambuhay is the missalette published by the Society of St. Paul in the Philippines.

Lumaki si Yuan, 10-taong gulang, sa isang bahay-ampunan. Isang madaling-araw, nagising siya. Bagaman madilim pa, alam niyang hindi magtatagal at magbubukang-liwayway na. Hindi kalayuan mula sa bahay-ampunan may isang napakagandang lawa at biglang naramdaman niya ang kabig ng isang hangarin. Gusto niyang makita ang unti-unting pagsikat ng araw sa kalangitan mula rito.

Ngunit mahigpit ang batas sa ampunan. Walang batang babangon bago ang kalembang ng batingaw. Higit sa lahat, pinagbabawal ang lumisan ng bahay nang walang pahintulot.

Subalit nagbakasakali siya. Nagmadali siyang nagbihis at lumabas na hawak-hawak ang kanyang sapatos. Ayaw niyang ma-istorbo ang kanyang mga kasamang batang mahimbing na natutulog. Habang tinatahak niya ang mahabang pasilyo, tumitindi ang kanyang takot na mahuli. Tila bagang may nagmamasid sa bawat iskinita ng dormitoryo ng bahay ampunan na nagpapakita ng kanilang galit sa kanyang paglabag sa batas.

Kalaunan, dumating siya sa lawa at naghintay sa bukang-liwayway. Totoo nga, unti-unting sumikat ang araw, at nagbago ang kulay ng langit. Pinanood niya ang paglalaro ng kulay sa lawa, ang pagsabog ng dilaw, kahel, pula hanggang sa kulay ng liwanag ng araw. Manghang-mangha siya sa kagandahan ng lawa.

Nang tumunog na ang batingaw, naalala niya ang oras. Hahanapin siya sa bahay-ampunan. At siguradong mapaparusahan siya. Bago niya nilisan ang lawa, sinabi nito sa kanyang sarili: “Maraming salamat. Babalik ako. Ayos lang kung mapaparusahan ako. Ngayon may bago akong alam: ang Diyos ng lawa ay mas maganda sa dios ng ampunan.”

Sa araw na ito, sa agaw-dilim ng Simbanggabi, ibaling natin ang ating puso sa Dios ng Liwanag na mas higit pa sa iba’t ibang “dios” na kumikitil sa ating kalayaan at kasiyahan.

Tulad ni Yuan, namumuhay tayo sa ating mga sariling kulungan. Tulad ng bahay-ampunan, nasasanay tayong mamuhay sa ating maliit na mundo.

Ang nakakatakot mangyari ay simple lamang: dahil sanay na tayo sa ating kinagagalawang sariling bahay-ampunan, hindi na tayo magbabakasakaling danasin ang “Dios ng Lawa” at mangarap ng bagong buhay.

Ito ang diwa ng ikabente-kuwatro ng Disyembre. Naghihintay tayo sa meron, hindi sa wala. Naranasan na natin ang maghintay sa walang darating; sa isang pangakong laging napapako. Sa kabilang-banda naranasan na natin ang maghintay sa merong darating, tulad ng paghihintay ng minamahal na nangibang bansa at nasa eroplano na patungong Pilipinas.

Ang Pasko ay isang paghihintay sa meron; sigurado ang bukang-liwayway. Kailangan lamang na magbakasakali, harapin ang lahat ng takot, lisanin ang kulungan at maghintay. Ito ang Awit ni Zacharias sa Ebanghelio: “magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan, upang magbigay liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan” (Lukas 1:78-79).

Sa araw na ito, mainam na pagnilayan natin ang ating buhay na may kasiyahan sa ating puso. Ibabad nawa natin ang ating sarili sa tunay na kagandahan at liwanag ng Pasko, at hindi makulong sa mga nagkukunwaring liwanag. Mas mainam kung manahimik tayong nakamasid sa Belen: suriin ang madidilim na parte ng ating buhay na kailangan ng Liwanag ng Niñong isisilang. Manalanging maisilang si Hesus sa gitna ng ating buhay. Pagkatapos, hayaang maglaro ang iba’t ibang kulay sa lawa ng ating buhay, sanhi ng tunay na Liwanag.

Labels: , , , , , , , ,

Saturday, December 17, 2011

Ang Butil Ay Isang Pangako


ika-18 ng Disyembre 2011 Ika-4 na Linggo ng Adbiyento
2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16; Psalm 89; Rom 16:25-27; Luke 1:26-38

Minsan magkasamang nagtatanim sa hardin si Lola Indang at si Lilia, ang kanyang apo. Sinusuri nila ang mga butil ng iba’t ibang bulaklak. Wika ni Lilia, “Kakaibang mumunting mga pangako itong mga butil. Maliliit na pangako ang bawat isa sa kanila, di po ba, Lola?”

“Tama ka, apo,” sagot ni Lola Indang. “Bawat butil ay isang pangako. Ngunit, tulad ng mga pangako, may mga kailangang kondisyon upang ito’y tumubo at lumaganap.”

“Ano po ang mga kondisyon ito?” tanong ni Lilia.

“Kailangang hayaan ng bawat butil na ibaon siya sa lupa, isalang sa init ng araw, ibabad sa ulan, at subukan ng hangin upang mamulaklak, mamunga at maging ganap na tanim,” paliwanag ni Lola Indang.

Nangako ang Diyos ng kaginhawaan sa panahon ng kapighatian; ng lakas sa panahon ng tukso’t pagsubok at ilaw sa panahon ng kadiliman. Ngunit hindi makakamit ang lahat ng ito kung wala tayong pananampalataya sa Kanya at lakas ng loob magtiwala sa Kanyang tawag sa bawat isa sa atin.

Katulad tayo ng mga butil. May plano ang Panginoon sa bawat isa sa atin. Sa ating mga kamay nakaukit ang balak niyang gawing ganap tayong mabuti at banal. Nasa atin ang kapalarang maging tunay niyang mga anak. Ngunit bago maisakatuparan ito, kailangan nating “pumirma sa kontrata” - maging aktibong nakikiisa sa Panginoon.

Ito ang mensahe ng lahat ng pagbasa sa huling linggo sa panahon ng Adbiyento. Unti-unti tayong inihahanda ng Panginoon sa bawat linggo upang tanggapin nating lubusan ang pakiki-isa sa pagpapatupad ng pangako Niyang kaligtasan. Sa unang linggo, inilapag Niya ang kanyang pangako. Sa pangalawang linggo, inihanda niya ang ating mga puso sa pamamagitan ng paglilinis sa ating mga budhi at pakikipagkasundo bilang pagpapawi sa ating mga kasalanan. Sa pangatlong linggo, pinangako niya ang kasiyahan sa buhay kung sasali tayo sa kanyang planong ito. At ngayon, tinatanong na tayo kung sasama ba talaga tayo sa kanya.

Habang binabasa natin ang Ebanghelio ukol sa pagbati ng Arkanghel Gabriel kay Santa Maria, tinatanong din tayo, tulad ni Maria, kung nais nating makilahok sa planong ito. Umaasa ang Simbahan na ang ating sagot sa tawag ng Panginoon ay tulad sa tugon ni Maria.

Bago ang pagbati ni Arkanghel Gabriel kay Maria, minumungkahi ni San Ignacio de Loyola sa isang nagre-retreat na ginagamit ang kanyang librong, Spiritual Exercises, ang isang eksena sa kalangitan. Pinagmamasdan ng Tatlong Persona ang sanlibutan at nakita Nila ang ating pagkamakasalanan. Dahil dito, nagpasya Silang ipadala na ang pinangakong Mesias upang iligtas ang sanlibutan.

Doon nila pinili si Maria upang maging ina ng Pangalawang Persona, si Hesus. Kailangan Nila ang ‘oo’ ni Maria sa pagpapatupad ng Kanilang binabalak. Ito ang unang kondisyon ng pagbabago tungo sa ganap na buhay. Tunay at tapat ba ang ating pagsang-ayong makilahok sa balak ng Tatlong Persona?

Pangalawa, ang pakikibahagi sa balak ng Diyos ay hindi sa salita lamang. Tulad ng maraming pangako, ilang sandali lamang ang pagpapabatid. Ilang segundo lamang ang pagpirma sa isang kontrata; ilang minuto lamang ang pangako sa kasal. Isang iglap lamang ang isang sumpaan, ngunit ang kakabit ng ilang sandali ay buong hinaharap na buhay. Kasama sa isang kataga ng “oo” ni Maria ang kapighatiang haharapin niya bilang ina ng tagapagligtas. Kaakibad ng kanyang “oo” ang pait ng paglisan ng kanyang Anak isang araw upang gawin ang kalooban ng Diyos. Higit sa lahat, bahagi nito ang pagyakap sa hapdi ng pinakamalalim na sugat, ang pagpapakasakit at pagkamatay ng kanyang Anak sa krus. Tulad ng butil, kailangan nitong maging bukas sa lahat ng uri ng pagsubok upang ito ay lumago, mamulaklak at mamunga.

Pangatlo, ang hiling ng Panginoon sa atin ay pagpapakumbaba. Mukhang mahirap isakatuparan ang balak ng Panginoon sa atin. Sino ba naman ang nadadalian sa pagpapakabanal? Sino ba naman ang hindi nahihirapan hanapin ang tawag ng Diyos sa ating personal na buhay? Ngunit kung susuriin natin ang mga bida sa panahon ng Adbiyento tulad ni Sarah at Abraham, si Manoah at ang kanyang asawa, si Hannah, si Haring Dabid, si Zacarias at Elizabeth, at kung isama pa ninyo ang mga apostoles, si San Pablo, hindi nila ipinagkaila ang kanilang kahinaan. Ito ang huling kondisyon: ang mapagkumbabang puso’t diwa.

Ipagdasal natin na maganap nawa ang mga kondisyong ito sa atin, upang ganap ang pagtanggap natin sa pagdating ni Hesus sa ating buhay.

Labels: , , , , , , ,