Masarap ang Buhay, kapag Maayos ang Bahay



Panahon ng paglilinis at pag-aayos ang unang buwan ng bagong taon. Nabuksan na ang mga regalo ng nakaraang Pasko at nadagdagan na muli ang ating mga gamit. May bagong damit o sapatos. May bagong kagamitan sa bahay. Dahil dito, may mga bagay-bagay na hindi na natin kailangan at dumadagdag lamang ito sa mga nakakagulo sa ating puso’t isipan.

Sinasabi ng mga nakatatanda na ang pag-aayos ng bagay-bagay ay nakakatulong sa pag-aayos ng ating buhay. Maraming sakit ang nangagaling sa alikabok. Iwas-sakit ang tahanang maaliwalas. May epekto ang ating kapaligiran sa ating pag-iisip. Magulo ang ating isipan kapag magulo din ang ating tirahan. Masarap ang buhay kapag maayos ang bahay.

Nakakatulong sa pagpapalago ng ating buhay espirituwal ang paglilinis. Kapag nasusuri natin ang mga gamit na hindi na natin kailangan, maaari natin itong ibigay sa mga makakagamit nito. Sa gayon natututo ang ating diwa na maging mapagbigay at maging maalalahanin. Sa ating mga panalangin, magpasalamat sa Panginoon sa bagong pagkakataong ito, na maayos natin muli ang ating buhay. Magandang umaga po.

No comments: