13 Mayo 2010. Huwebes sa ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Acts 18, 1-8; Psalm 98; John 16, 16-20
Nagbabago ang ating mga damdamin. Sabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, iiyak kayo at tataghoy, habang magagalak ang mundo. Ngunit ang paninimdim magiging kagalakan. Alam ni Hesus na sa kanyang paglisan, masasaktan at mananaghoy ang kanyang mga alagad. Magiging masakit sa kanila ang daan ng krus ni Hesus; nawalan silang lahat ng pag-asa. Ngunit sa muling pagkabuhay, ang kanilang mga luha magiging galak.
Nagbabago din ang ating buhay. Hindi lahat ng panahon nagugulumihanan o nasasaktan tayo. Hindi lahat ng oras nakakadama tayo ng lungkot at pait. Hindi ang krus ang pinakahuling karanasan natin, kundi ang muling pagbangon at pagkakaroon uli ng pag-asa. Minsan natututok tayo sa ating mga hinagpis. Isang malaking tulong kapag naniniwala tayo na sa kahuli-hulihan, magiging maayos pa rin ang ating buhay.
No comments:
Post a Comment