11 Hunyo 2010. Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus
Ezra 34, 11-16; Psalm 23; Romans 5, 5-11; Luke 15, 3-7
Sa kasaysayan ng mga Judio, ang pastol ang tinaguriang huwaran ng isang pinuno. Hindi madali ang pagpapastol noong mga panahon. Dinadala ng pastol ang mga kawan sa luntiang pastulan. Binabantayan niya ang bawat tupa at huwag hayaaang mawala at matangay ng mga mababangis na hayop. Sinisigurado niyang hindi mahalo ang kanyang kawan sa iba; kaya kilala niya ang bawat tupa at sumusunod naman sa kanyang tinig ang mga inaalagaan niya. Pagmamay-ari ng buong komunidad ang maraming kawan; kaya kung may isang tupang naliligaw, sinusuyod nito ang buong bundok upang hanapin ang nawawala. At kung natagpuan ang tupang naiwanan, nagdiriwang ang buong bayan.
Hinahangad ng kabanal-banalang puso ni Hesus na ibalik sa kawan ang mga nawawalang tupa sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at pag-aalay ng buong sarili para sa kawan. Ang pag-aalay na ito ang naging kasukdul-sukdulan na halimbawa ng tunay na pamumuno at masigasig na paglilingkod. Sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, naibalik at naisariwa ni Kristo ang ating ugnayan sa Diyos. Nawawala ka ba? Magpakita sana tayo kay Hesus na naghahanap sa atin.
No comments:
Post a Comment